Friday, October 31, 2008

Teka

Teka.

Nung umuulan, tumayo ka sa may kantong paspasan
Pinapahid ang luha ng nagngangalit na langit
Ang sabi mo may hinihintay ka
Na isasama mong sumugod sa baha.

Nung mataas ang araw, umupo ka sa tabi ng daan
Kinikiliti ang gitarang di mo alam tugtugin
Ang sabi mo, naghahantay ka ng tiyempo
Para sa taong iyong haharanahin

Teka, anong oras nga ba iyon?
Ano bang ginagawa ko noon?
Ihinihimbing ko ba ang bilis
Ng nagdadaang pagkakataon?

Nung dakong liwayway, gumising kang hirap huminga
Tumingin ka sa gilid ng iyong kama
Ang sabi mo, di magtatagal at muli
May hihimlay sa iyong tabi

Nung magdadapit hapon, nakatitig ka sa nagtatagong liwanag
Sinusungkit ang dumadapong dilim
Ang sabi mo, walang mawawala
Kung maghihintay ka sa bagay na di darating

Teka, anong oras nga ba iyon?
Ano bang ginagawa ko noon?
Ihinihimbing ko ba ang bilis
Ng nagdadaang panahon?

No comments:

Post a Comment